A. Pagtungo sa Paris
1. Pumunta si Rizal sa Paris dahilan sa gaganapin noon ang Pandaigdig na Eksposisyon na darayuhin ng libu-libong mga tao mula sa iba't ibang panig ng mundo.
2. Dahilan sa karamihan ng tao, si Rizal ay nahirapan na makahanap ng lugar na matitirahan at naging napakamahal pa ng kabayaran sa mga paupahang kuwarto.
3. Pansamantalang tumira si Rizal sa kanyang kaibigang si Valentin Ventura sa 45 Rue Maubuege at dito ay kanyang inayos ang kanyang anotasyon ng aklat na Sucesos de las Filipinas na sinulat ni Morga.
4. Nagpalipat-lipat ng tirahan si Rizal hanggang makakita siya ng isang maliit na silid at nakasama niya dito ang dalawang Pilipino na sina Capitan Justo Trinidad na dating gobernadorcillo ng Santa Ana at Jose Albert na isang batang mag-aaral mula sa Maynila.
B. Buhay ni Rizal sa Paris
1. Sa kabila ng kasiyahan sa Paris naging abala pa rin si Rizal sa pagbabasa ng mga aklat saBibliotheque Nationale upang tingnan ang mga datos para sa kaniyang anotasyon ng Sucesos Las Islas de Filipinas ni Morga.
2. Sa mga malalayang oras si Rizal ay dumadalaw sa bahay ng mga pamilyang Pilipino na sina Pardo de Tavera, Ventura, Luna, at Bousted. Naging kaibigan niya ang tatlong magkapatid na Pardo de Tavera, na ang ama ay isa sa mga biktima ng kalupitan ng mga Espanyol noong 1872.
3. Naging ninong si Rizal ni Maria de la Paz Luna na pangalawang anak nina Juan Luna at Luz Pardo de Tavera.
4. Naging malimit si Rizal sa pagdalaw sa pamilyang Bousted.
5. Isa sa umakit kay Rizal sa Eksposisyon ng Paris ay ang Eiffel Tower na may taas na 984 talampakan.
6. Dumalo si Rizal at ang kanyang mga kaibigan sa pagbubukas ng Eksposisyong Paris na pinangasiwaan ng Pangulo ng Pransiya na si Sadi Carnot.
7. Isa sa mga bahagi ng kasaysayan sa Pariss ay ang pagkakaroon ng eksposisyon sa mga likhang sining na sinalihan ni Juan Luna, Felix Resureccion-Hidalgo, at Felix Pardo de Tavera. Lumahok din si Rizal sa pamamagitan ng pagsasali ng kanyang gawang iskultura, napasali ang kanyang likha ngunit hindi nagtamo ng gantimpala.
8. Itinayo ni Rizal sa Paris ang Samahang Kidlat na binubuo ng kanyang mga kababayang Pilipino. Ang samahan ay panandalian lamang at naglalayon na paglalapitin ang mga Pilipino sa Paris upang higit silang masiyahan sa panonood ng eksposisyon.
9. Itinatag ni Rizal ang samahang Los Indios Bravos at pinalitan nito ang Samahang Kidlat . Nangako ang mga kasapi nito ng pagsisikap sa katalinuhan at pagpapalakas katawan upang magtamo ng paghanga ng dayuhan.
10. Samantalang nasa Paris itinatag ni Rizal ang isang lihim na samahan na nakilala lamang sa panitik na R.D.L.M. at sinasapantaha na ang kahulugan ay Redencion de los Malayos (Ang Pagpapalaya sa Malayo) . Ang samahang ito ay nanatili pa ring isang palaisipan sa mga nag-aaral ng Rizal.
C. Ang Paglalathala ng Sucesos de las Islas Filipinas
1. Isa sa pinakamahalagang nagawa ni rizal habang siya ay nasa Paris ng 1889 ay ang pagpapalimbag ng kanyang anotasyon ng aklat ni Morga na Sucesos de las Islas Filipinas na inilathala ng Garnier Freres.
2. Isinulat ni Blumentritt ang Paunang Salita para sa Sucesos de las Islas Filipinas at inihandog ni Rizal ang aklat para sa inang bayan.
3. Isinulat ni Rizal ang anotasyon ng Sucesos de las Islas Filipinas sa layunin na ipakita sa mga Pilipino ang pagkakaroon natin ng mataas na kabihasnan bago pa man dumating ang mga Espanyol.
4. Nakatanggap si Rizal ng maraming paghanga mula sa kanyang mga kaibigan dahilan sa kanyang paglalathala ng anotasyon sa Sucesos de las Islas Filipinas ni Morga.
D. Si Rizal bilang Mananalaysay
1. Si Rizal ay masasabing mahusay na mananalaysay dahilan sa mga sumusunod na salik:
a. Ang kanyang pagsasaliksik sa dalawang dakilang aklatan ng mundo - British Museum(London) at Bibliotheque Nastionale (Paris) ay nakapagpalawak ng kanyang kaalamang pangkasaysayan.
b. Ang kanyang ginawang anotasyon ng Sucesos de las Islas Filipinas ay kakikitahan ng malawak na kaalaman ni Rizal sa histograpiya - ang pag-aaral ng pagsulat ng kasaysayan.
c. Ang kaalaman ni Rizal sa maraming wika ay nakatulong sa kanya upang mabasa ang maraming dokumentong historikal sa kanyang orihinal na anyo.
d. Nabasa niya si Pigadicta sa wikang Italyano: Marsden, Raffles, Lord Stanley, at Wallace sa wikang Ingles; Blumentritt, Jagor, at Virchow sa wikang Aleman; M. Jacquet, J. Mallat, at A. Marche sa wikang Pranses; at sina T. H. Pardo de Tavera, Pedro Paterno, Miguel Morayta, at Pi y Margall sa wikang Espanyol.
e. Ang kaalaman ni Rizal sa kasaysayan ay hindi lamang ukol sa Pilipinas kundi sa kasaysayan ng kolonisasyon ng mga Europeo sa Asya.
2. Maliban sa anotasyon ng Sucesos de las Islas Filipinas naghanda rin si Rizal ng malathalang artikulong historikal na gaya ng mga sumusunod:
a. Ma- yi
b. Tawalisi of Ibn Batuta
c. Filipinas dentro de Cien Anos
d. Sobre la Indolencia de los Filipinos
e. La Politica Colonial de Filipinas
f. Manila en el mes de Diciembre, 1872
g. Historia de la Familia Rizal de Calamba
h. Los Pueblos del Archipielago Indico
-
Filipinas dentro de Cien Anos - sa artikulong ito ay hinulaan ni Rizaal ang pagtatapos ng kolonyalismo ng Espanya sa Pilipinas sa pagtatapos ng ika 19 daantaon.
-
Sobre la Indolencia de los Filipinos - tinalakay ni Rizal ang kadahilanan ng katamaran at pagiging mabagal na pag-unlad ng mga Pilipino sa mga sumusunod na salik.
a. Ang Pag-aalsa ng mga Pilipino at panloob na kaguluhan kasunod ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas.
b. Ang mga digmaan ng Espanya laban sa mga Portuges, Olandes, Ingles, at iba pang mga kalaban na dito ay naglingkod ang mga Pilipino bilang mga kawal ng hukbong Espanyol.
c. Ang pananlakay ng mga Muslim ng Mindanao sa mga baybaying bayan ng Pilipinas.
d. Ang sapilitang paggawa ng libu-libong mga Pilipino na naging dahilan upang mapabayaan ang pagsasaka, komersiyo at industriya sa Pilipinas.
e. Ang kawalan ng pagsisikap ng mga Pilipino ng magtrabaho ng higit dahilan sa hindi naman nila ganap na napakanibangan ang bunga ng kanilang paghihirap.
f. Ang pagpapabaya ng pamahalaan sa agrikultura, komersiyo at industriya.
g. Ang masamang halimbawa na ipinapakita ng mga Espanyol ukol sa mga gawaing manwal.
h. Ang pagtuturo ng mga prayle na "mas madaling makapasok sa langit ang mga mahihirap" at dahil dito ay ninais ng mga Pilipino ang kahirapan sa layunin ng madaliang pagpasok sa langit sa pagsapit ng kamatayan.
i. Ang sistema ng edukasyong Espanyol ay hindi nakapagsulong ng pangkabuhayang kaalaman. Ang edukasyon ay depresibo, brutal, at hindi makatao.
E. Iba pang Mga Ginawa sa Paris
1. Binalak ni Rizal na itayo ang samahan ng mga Filipinolohista sa Paris ngunit hindi ito naisakatuparan.
2. Ipananukala ni Rizal ang pagtatayo ng isang makabagong kolehiyo ng mga Pilipino sa Hongkong na ang layunin ay magsanay at magturo ng mga anak ng mga mabubuting pamilyang Pilipino.
3. Nagdaos ng kapaskuhan si Rizal sa Paris at pagkatapos ng Bagong Taon ay saglit na dumalaw sa London upang tingnan ang katumpakan ng kanyang anotasyon Sucesos de las Islas Filipinas at dalawin si Gertrude Beckett.
4. Mga Dahilan ni Rizal sa Pag-alis sa Paris
a. Ang napakamahal na halaga ng bilihin dahilan sa karamihan ng mga taong dumalo sa Pandaigdig na Eksposisyon sa paris.
b. Ang masayang kapaligiran ng Paris ay umaagaw ng kanyang atensiyon sa mga gawaing pampanitikan. Ang pangangailangan niya na isulat ang El Filibusterismo .